Nagising ako sa tunog ng malakas na ulang humahampas sa among bubungan. Parang ngayon ko lang yata narinig ang ganitong kalakas na pagbuhos. Sinabayan pa ito ng mga dagundong ng kulog.
Kung buhay pa si Zagu, pihadong nanggising na iyon para makapasok sa kwarto. Takot sa kulog ang damulag na iyon.
Ayaw kong imulat ang aking mga mata. Pinilit ko na lang matulog pero ginigising ako ng aking pantog. Binuksan ko ang ilaw at pumunta sa banyo.
May kaunting liwanag mula sa labas. Hindi na magtatagal at malapit nang mag-umaga, naisip ko.
Nakiramdam ako. Parang humupa na ang pagbuhos. Baka napagod na. Naubos na siguro.
Makalipas ang ilang minuto, bumuhos na naman ng ubod ng lakas ang ulan sa aming bubungan.
Hindi ko alam kung anong pumasok sa akin at dasal ang pumasok sa isip ko – hindi para sa akin, kung hindi para sa mga taong naninirahan sa lansangan.
What do you think? Please leave a Reply