Tadhana
Pihadong masakit ang katawan niya ngayon. Kung ako ngang bata pa’y bugbog na ang katawan sa pagkakabagsak na iyon, ano pa kaya siyang uugud-ugod na? Ipinagdarasal ko na lang na walang buto ang nabali sa kanyang katawan o hindi tumama sa estero ang kanyang ulo. Kahit dalawampung kilometro kada oras lang ang aking takbo, humampas pa rin ako sa kanya – mismong siya ang tinumbok.
Tumilapon ako sa manibela ng bisikleta at sabay kaming bumagsak sa semento at sumadsad hanggang sa gabukan sa tabi ng kalye. Naiwan ang kanyang tsinelas sa daan katabi ng aking bisikleta. Hindi siya makapagsalita nung una. Nabigla pihado sa pangyayari, nanginginig ang kanyang mga kamay. Maayos na daw siya, iyong ang sinabi niya nung tinulungan ko siyang tumayo. Ayaw niyang magpadala sa ospital.
“Mag-iingat kayo sa pamimisikleta,” ang kanyang huling sinabi sa akin.
What do you think? Please leave a Reply